sinong hindi magugulantang na sa isang araw sinagot lahat ng ‘yong dalangin?
sinong hindi magugulat na lahat ng posibleng balakid ay naalis na at nahawi na ang daan patungo sa dapat patunguhan? tapos ika’y magbubulag-bulagan?
kung ikaw ba naman ay gulatin sa mga taong iyong makakasalamuha at bigyan ka ng balitang hindi mo sukat akalaing maririnig sa araw na iyon? tapos magrereklamo kung bakit sila’y nasilayan?
kung ikaw ba naman ang napamahal na sa mga bata, kasama linggu-linggo, tapos tapos na, hindi ka ba matutuliro? tapos hindi mo alam kung dapat bang magsaya o magluksa?
malaman mo naman bang isa ka sa mga magpapakitang gilas at isasalang sa mainit na apoy sa harap ng mga panelists habang ang iba nama’y nagkukumahog pa lang na makita ang adviser? tapos hindi ka man lamang natuwa sa pagkakataong bunga rin ng yong kasipagan?
ikaw ba naman ang bigyan ng kagulat-gulat na balitang hindi inaasahan? tapos hindi ka man lamang magbibigay pugay sa may gawa ng ganitong sitwasyon?
sa kabila ng lahat ng kawindangan, patuloy pa rin ang pag-inog, paglakad at paggalaw, ikaw ba naman ang hindi matuwa sa isang araw na lahat ng dalangin mo’y nasagot? malinaw pa sa sikat ng araw. kaharap mo. ayan na. tapos tutuklawin ka na?
at sa kabila muli ng lahat ng ito’y pilitin bang patuloy na mag-isip, makisalamuha, ngumiti, magbigay pahayag, makiisa. tapos ikaw pa ang bumabangka?
at sayong pag-uwi, ikaw ba naman ang humiling ng init ng pagyakap at wala pang ilang segundo’y may makakasalubong tangan ang iyong nais. tapos tuliro na naman sa sinapit na pag-akap?
haay…sa kabila ng kawindangan at patuloy na paglakad, ikaw ba naman ang humingi ng kahinaan upang siya ang magpalakas…tila kahibangan.
ikaw ba naman ang hindi makaintindi ng mga wikang ito, naku hintayin mo na lang na ika’y magulantang.